05 January 2012

PARE: Hayag at Lingid na Panawagan

Austin Blanch

2 Marso 2010

G. Yol Jamendang

Filipino 12 Section: III

PARE: Hayag at Lingid na Panawagan


Ang mga Pilipinong mananalita ay kinamtan ang mga ganitong uri ng salitang balbal sa pamamagitan ng paghiram sa ibang lenggwahe, pagbigay ng bagong kahulugan sa mga dating salita, paggawa ng orihinal na salita, o paggamit ng mga numero na magsisilbing in-group code (Zorc, 1993).


Pilipinas—ang nag-iisang bansa sa Asya na nagtataglay ng mga taong may katangian na tila magkakalapit ang bawat isa. Sa kontemporaryong panahon, ang mga mamamayan ay may palagay na malapit sila sa isa’t isa. Gagamit lamang nang isang salita na magpapahiwatig na panatag sila na kapanayam ang isang tao. PARE.

Ang kapakinabangan ng salitang ito ay nagsasangay sa iba’t ibang kadahilanan—bilang isang panghalip sa pangalan ng kakilala; mag-adya ng kautusan sa isang taong hindi kakilala; magpahiwatig katiwasayan ng loob sa nakadaupang palad; at bilang isang panghihikayat sa masa sa panahon ng eleksyon. Tunay na hindi maikukubli na malaki na ang naging impluwensya sa atin ng salitang ito sa kadahilanan na maraming nakikinabang sa kaparakan ng salita.

Dala nang pagiging isang arkipelago, ang pagbigkas naman sa nasabing salita ay nag-iiba rin sa mga lalawigan. Bukambibig ng mga tao sa mga probinsiya ang salitang ito lalung-lalu na mula sa mga binata hanggang sa mga lalaking may edad na. May iba rin namang mga kababaihan na gumagamit nito bilang ipahiwatig na kalapit o kabarkada nila ang lalaki.

Ganoon pa man, ang diwa sa likod ng salitang ‘pare’ ay nananalaytay sa kontemporayong sitwasyon ng ating lipunan. Nauunawaan ng bawat Pilipino ang ibig-sabihin ng salitang ito kahit pa mapunta sila sa ibang lungsod o lalawigan ng Pilipinas.

Ang bilang ng mga gumagamit nito sa bansa ay maaring umabot sa isa’t ika-sampung bahagdan ng populasyon ng kabataan hanggang sa mga may edad na. Ito ay magpapalakas ng punto na pangkaraniwang na lamang ang pagbigkas sa salitang ‘pare’. Mapa-babae man o lalaki, nagbibinata man o matanda, may trabaho man o wala—ginagamit pa rin nila ang naturang salita sa kanilang pang araw-araw na buhay.

Kasaysayan at Etimolohiya

Sa kasalukuyang panahon, bukambibig na ng maraming Filipino ang salitang pare sapagkat narinig na nila ito kung kanino at saan man at napagpasyahan na gamitin na din ito bilang pantawag sa kanilang mga kaibigan. Matagal na itong ginagamit ng mga tao at mapapakinggan sa maraming lugar—sa mga iskwater, sa mga marangyang subdibisyon, sa paaralan, sa opisina, sa kalye, at sa bahay. Hindi makukubli na nasa bokabularyo na ng masa ang salitang ito.

Ayon sa Tagalog slang dictionary (1993), ang salitang pare ay nag-ugat sa salitang kastilang “compadre”, na nangangahulugan ng ninong o padrino. Unang beses na naisulat ang “compadrenoong 1839 sa akda ng Scottish na si John Parish Robertson na Letters from Paraguay—sumasaklaw sa salaysay sa apat na taong paninirahan sa republika sa ilalim ng pamahalaan ng diktador na si Francia.

“…Whenever he had a compadre or a friend, it was his bounden duty to do him some service…” (p. 339).

Naitala din sa Tagalog slang dictionary (1993), na marami pang mga salita na maaring paghalinhin sa salitang ‘pare’. Tulad na lamang ng mga salitang—(a.) pardner- palayaw para sa kaibigan; (b.) pards- kaibigang lalaki; (c.) repa- binaliktad na pare; (d.) repaduds- katoto; (e.) repakol- malapit na kaibigang lalaki; (f.) repakos- kaibigan ko; (g.) repaks- katumbas ng relasyon ng ama o padrino; (h.) repapips- gang mate; at (i.) pre- pinaiksing pare. Patunay ito na sagana sa kahulugan at pormularyo ang salita sapagkat marami pang ibang salita na nag-ugat ditto. Bigyang diin din na hindi pa nababanggit ang mga salita na umiiral sa ibang lalawigan.

Kapakinabangan at Impluwensiya

Ang mga salitang balbal ng Filipino ay isang parangal sa mga dalubhasang Pilipno na may abilidad na gawin ang wika na masaya at libangan ang wika. Nagmula ito sa iba’t ibang pamamaraan ng pananalita sa mga pangkat ng masa—estudyante, drayber ng jeep, artista, empleyado, at gay community.

Kadalasan ang mga islang na salita ay mula sa bahagi ng lipunan na maralita.Ayon sa isang sociologist at kolumnista sa Philippine Daily Inquirer na si Randy David (2001):

Social scientists concerned with the study of the urban poor may be classified into two: 1) those who peer into their lives with the same fascination as one studying a newly-discovered cultural minority, and 2) those who study them for the practical purpose of designing and programming their lives and their eviction (p.40).

Ito ay nangangahulugan na ang mga nag-aaral ng sosyolohiya ng mahihirap ay nakatuklas na nagkakaroon sila ng isang lugar kung saan sila ay mayroong pagkakatulad at may praktikal na kadahilanan na planuhin ang kanilang kabuhayan. Ang mga taong kabilang sa antas na ito ay lumilikha ng paraan upang sila ay magkaunawaan at, sa isang punto, maging eksklusibo ang kanilang mga pag-uusap sa ibang antas ng lipunan. Gumagamit sila ng mga salitang likha nila na sila lamang ang nagkakaintindihan. Maari nilang pagbaliktarin ang mga pantig ng salita—erpat (father); lespu (pulis); dehins (hindi); at astig (matigas). Maari din na hiramin sa wikang dayuhan at bibigyan ng ibang kahulugan—jinggel (pag-ihi); shower (slippers); toxic (maraming gawain; tsitsa (pagkain); masahe (pagbugbog); basyo at (huli sa akto).

Sa kontekstong tinatalakay sa papel na ito, ang salitang pare ay isa sa mga nilikha nilang salita upang gawing pantawag sa kapwa nila. Dala na mas malaki ang porsyento ng mga mahihirap sa ating bansa, ang ibang antas ng lipunan ay naimpluwensyahan ng ganitong kaugalian. Hindi maiiwasan na mangyari ang ganitong pagkakataon sapagkat patuloy ang interaksyong ng mga Pilipino sa araw-araw. Madalas na marinig ng karamihan ang mga pag-uusap ng mga mababang antas sa kadahilanan na napapaligiran ang mga siyudad at probinsiya ng mga ganitong uri ng lipunan. Kaya naman, maging ang mga mag-aaral sa pribadong paaralan, mga empleyado ng mga opisina, mga may katungkulan sa pamahalaan ay nakikigamit sa salitang pantawag na ito.

Kagamitan ng Salita

Bukod sa napakarami na ng mga nagging pormulasyon ng salitang ito, ganoon na lamang ang maraming nabuong paggamit sa pang-araw-araw na pamumuhay ng Pilipino. Ito ang mga kadalasang paggamit sa salitang pare.

“Pare!” – kadalasan ginagamit ang salitang ito bilang pagtawag pansin, pagpapakilala o pagsisimula ng isang usapan. Marami sa mananalitang Pilipino ang gumagamit nito bilang pampukaw sa kanilang kakilala o sa nakadaupang palad. Masasabi na dito mag-uugat ang marami pang gamit sa salitang ito.

“Pare…” - hindi tulad ng naunang paggamit, sa paraang ito ang pare ay nagiging isang mabait o magalang na pagtawag sa isang taong hindi kakilala. Nagkakaroon ng mapitagan at maayos na pagtingin sa kinakausap na magdudulot ng mapagkumbabang usapan.

“Repapips! Kamusta ka ngayon?” – unang beses na narinig ang katagang ito noong ‘50’s at ‘60’s, ang kapanahunan kung saan namayagpag ang salitang barkada at kanto boy (de Manila, 1980). Sa ganitong paggamit ng salitang pare, ito ay nangangahulugan na pagbigay pansin at simpatiya sa kung ano ang nangyayari sa kanya at simpatiya.

“Kumpare!” – kadalasang naririnig ito sa mga matatandang Pilipino na matagal nang magkakilala—magbayaw, magbalae, dating magkaklase, dating magkatrabaho. Ito ang kanilang tawagan kapag sila ay muling nagkikita at nagkakaroon ng mumunting salu-salo.

“Pre.” – ginagamit ito ng karamihan bilang isang paunang salita o di kaya ay palabantasan sa kanilang pangungusap na wiwikain. Madalas naman na naririnig ito sa mga kabataang Pilipino na nagbabatid ng mga kwento sa kanilang mga kabarkada.

Marami pang ibang gamit ang pare sa mga pag-uusap ng mga Pilipino na maari pang-umusbong sa mga susunod pang mga henerasyon. Ganito ang polisiya sa pagbuo ng mga bagong salita na nagbibigay ng bagong nilalaman sa kasalukuyang panahon (Remodo, 2006).

Pare Bilang Tala sa Diksyunaryo

Ang wikang Filipino ay umuunlad habang ginagamit. Nagaganap ito sa prosesong natural – sa kusang pag-aangkin ng mga elementong pangwika at intensyonal – sa bisa ng progresibong pagpapalano…ito ay nasa tuluyang pagbabago sa aspektong: bokabularyo, ponolohiya, morpolohiya, sintaksis, idyoma at retorika (Pineda, 2004).

Nangangahulugan na ang mga bagong salitang Filipino ay magiging katanggap-tanggap lamang kung ito ay magdudulot ng kapakanan sa karamihan. Kinakailangan na ibatid ang mga pakinabang at kung ano ang mga maaring maging bunga nito sa ating lipunan.

Malinaw na hindi na lamang ito tumutukoy sa isang particular na responsibilidad bilang ninong o padrino. Nakakabit na rin ditto ang patuloy na pagtatangka ng masang Pilipinong napasalaylayan o napasagilid na mabago ang kanilang panlipunang pangalan. Kung hindi man isang pangunahing salik, instrumento ang salitang pare sa pagpapalit ng agwat ng mataas at mababang antas sa lipunan tungo sa isang sitwasyong nag-aabot ang magkalayo at magkatiwalas kahit panandalian lamang.

Sa ganitong sitwasyon, ang katagang pare ay hindi lamang magiging isang tala sa diksyunaryo. Masasabi din itong salita ng mga taong naghahangad na magkaboses sa mga pagkakataong sila tinitimpi ng mga nakakaaangat sa lipunan.

Talasanggunian

David, R. (2001). Reflections on sociology and Philippine society. Diliman, Q.C. :

University of the Philippines Press.

De Manila, Q. (1980). Language of the street and other essays. Metro Manila : National Book Store.

Pineda, P. (2004). Metamorfosis ng wikang Filipino / sulyap at titig ni Ponciano B.P. Pineda. Makati City : Grandwater Publications.

Remodo. A. (2006). Sawikaan 2006: mga salita ng taon. Diliman, Q.C. : University of the Philippines Press.

Robertson, J.P. and W.P. (1839). Letters on Paraguay. Retrieved from February 26, 2010. From Library MARC record Internet Archive: lettersonparagu01unkngoog

Zorc, R.D. (1993). Tagalog slang dictionary. Manila : De La Salle University Press

No comments:

Post a Comment